Onlyme6000’s Weblog

Sagradong Kalawakan

Pressed by time, I had to come up with anything Tagalog for the second time that year and this was what I created, a short story weaved out of my hang-ups:

Sagradong Kalawakan

Isang Orihinal na Likha


(Kathang-Isip ni Lorelie Libetario)

Minsan naglathala ang pahayagan ng isang imbitasyan para sa salamangka. Dahil likas na mausisa ay pumunta ako at kinumbida ko ang aking ka-opisina na nagpahayag nuon pa man ng pagnanais niyang masubukan ang paranormal.

“Sige na Lorelie, ‘punta tayo doon ha?” wika ni Niña.

Nasa loob kami ng air-conditioned na kwarto ng maalala ko ang sinabi ng pinsan ko nitong umaga,

“Huwag kang pupunta at baka naghahanap ka lang ng batong ipupukpok sa ulo.”

Ang kanilang organisasyon pala ay para lang sana sa derektang miyembro ng kanilang pami-pamilya. Ngayon ay pansamantalang bukas ito sa publiko. Para sa akin ay kainda-indayo ang kanilang pinarating sa tao. Isipin mo na lang na matutuhan mo rin ang napag-aralan nuon ng mga eskolar sa Ehipto sa nakaraang panahong hindi pa kinasilangan ni Kristo at marami pang iba.

“Magsa-sign up ka ba?” tanong ko kay Niña.

“Pag-iisipan ko muna” sabi niya.

Linggu-linggo ay may pinadadala silang mga materyales sa akin para pag-aralan. Biyernes ng gabi ng magpulong muli ang mga miyembro. Tiniyak kong nandoon ako. Bawal ang magsalita. Nakahubad sila at nakamaskara kung nanampalataya sa Griyego at Old English.

“O pinakaluma at pinakamalakas na kapangyarihan ng hilaga, timog, silangan at kanluran, hinga ng buhay, tagadala ng salita at isip, mabangis na bagyo at mahinahon na simoy, halina sa aming bilog!

Pagpapatuloy ng Sagradong Kalawakan ni Lorelie… ika-2 pahina

Tinatawagan namin ang misteryosong hangin na pinagliliparan ng mga agila sa gintong pagsikat ng araw na may kalayaan sa kaduluhan ng kanilang mga pakpak. Espiritu ng hangin, ilawan mo ang aming buhay at bigyan kami ng dalisay na pag-iisip.”

Pagkatapos ng ritwal, pagod ako ng umuwi sa apartment. Kaagad akong natulog. Kinabukasan, sinimulan ko ang paglikha ng sagradong kalawakan base sa mga naipadala nilang babasahin sa akin. Unang pagkakataon ko ito. Sinigurado kong naikuros ko sa aking noo ang mga hakbang. Gumuhit ako ng tatsulok at nagsindi ng tatlong kandilang puti sa mga panulukan. Sa gitna ng tatsulok ay may kaunting mga gamit akong inilagay na mahalaga sa akin. Ito’y isang seremonyas na ginagawa ng nag-iisa para maging sagradong kalawakan ang iyong tahanan. Kailangang gumawa ng intensyong ihandog ang iyong ginagagalawang kalawakan sa enerhiya ng Mataas na Kamalayan at makalilikha ka ng isang kalma, organisadong at matiwasay na paligid. Tutulong ang Mataas na Aspeto dito. Sa sagradong kalawakan nagaganap ang kagalingan ng mga sakit dahil nakakatawag dito ng mga kumikinang na manggagamot na tumulong galing sa Mundo ng Espiritu. Oo, nakatatawag ito ng kaluluwa. Sa Aklat ng mga Anino nakasaad na maaari ring magtawag ng kahit kanino kung nais mo ng sagot sa iyong mga katanungan. Matapos ang dasal, pakiwari ko’y hindi na ako nag-iisa sa silid.

“Siguro’y guni-guni ko lang.” Hinipan ko ang kandila. Naligo ako at naghanda na pumasok sa trabaho. Lumabas ako sa silid at ng makarating ako sa kalsada,

“Ah sus, nakalimutan ko nga palang isara ang sagradong kalawakan nilikha ko para sa aking sarili,” bigla kong naisip.

“Ay, sorry. Hindi ko sinasadya,” may nabangga pala akong isang batang may labing-apat na taong gulang.

Ngumiti lang siya sa akin.

Buti na lang at dala-dala ko sa bag ko ang aklat. Sa taksi ko na binasa ang pagsasara ng sagradong kalawakan tutal pwede namang magsindi ng kandila na isip lang ang gamit. Madaling lumipas ang oras at uwian na. Sa labas ng gusali, nakasalubong ko na naman ang batang babae na nakasulubong ko nitong umaga.

Pagpapatuloy ng Sagradong Kalawakan ni Lorelie… ika-3 pahina

“Hi! Ako nga pala si Luna. May dapat kang malaman. Magpunta ka sa may….mga alas 8 ng gabi,” kaagad niyang sinabi ang mga detalye kung saan ito matatagpuan na para bagang napakahalaga ito para sa kanya.

Na-weirdohan tuloy ako sa batang iyon at kinumbida kaagad ako gayong kabagu-bago ko pa lang siyang kakilala.

“Aba, ang tinutukoy niyang lugal ay malapit lang kung saan kami nag-ritwal!”

May biglang kumalabit sa akin. Napalingon ako at napatalikod kay Luna.

“Sino ang kausap mo?” si Niña pala.

“Si Luna. Ipakikilala nga kita.”

Pagkalingon koy walang Luna akong nakita.

“’Ku, ang batang iyon. Hindi man lang nagpaalam na aalis na siya,” reklamo ko.

“Ngumiti lang si Niña na parang may ibig sabihin ang ngiti niya pero hindi ko ‘yon pinahalagahan.

Walang nakatakdang pagtatagpo para sa salamangka ng gabing iyon pero nagpunta ako doon mismo sa sinabi sa akin ni Luna. Bukas ang tarangkahan nito.

“’Ku, kung hindi lang ako likas na mausisa…Parang may prayer meeting o kung ano,” pilit kong hinulaan kung ano ang nangyayari sa loob.

Marami ang nandoon at may mga sulo na nakasindi sa bawat kanto. Isang bata ang nakagapos sa harap. Pinakain ito ng parang maliliit na bahagi ng ginto. Tinaga ang kanyang paa ng kanilang puno. Humiyaw ang bata ng makita niyang nahiwalay ang kanyang paa buhat sa kanyang buong katawan pero para itong walang hapding nadarama sa mukha. Parang dinroga ang bata. Hindi ko nakilala ang bata sa dilim pero parang nagkita na kami. Inalay nila ang bawat bahagi ng katawan at alam ko kung bakit. Ito ay dahil may katumbas na gantimpala buhat sa bathalang kanilang sinasampalataya.

Pagpapatuloy ng Sagradong Kalawakan ni Lorelie… ika-4 na pahina

Sinunod na dinukot ang mga mata nito. Ito ay iniaalay katumbas ang paghingi ng kapangyarihang makakita sa nakaraan at hinaharap. Tumakbo ako sa kaba at dahil hindi ko masikmura ang walang kaluluwang pinaggagawa nila. Patuloy na pinagtataga ng kanilang puno ang bata hanggang sa wala ng buhay ito para gumalaw.

“Dapat tawagan ko si Niña,” nawika ko ng makalabas ako sa tarangkahan.

“Niña, may sasabihin ako sa iyo….” humihingal ako na nagsusumbong sa kanya.

“Ano? Hindi kita maintindihan?” at humingi siyang ulitin ang aking sinabi.

“Samahan mo na lang ako sa presinto” nawika ko.

“Ano ka ba naman Lorelie–Sa ganitong oras ng gabi?!” tanong niya.

“Hello, kaibigang putik ka ba? Day off naman nating dalawa bukas ah! Tsaka, importante lang. Sige na dali,” pakiusap ko.

Hindi ako pupwedeng maghalukipkip ng kamay, kaya sa presinto inilahad ko ang aking nakita. May isang squad ng pulis ang ipinadala sa lugal na aking tinukoy. Sarado ang tarangkahan kaya pilit itong binuksan ng mga pulis. Sa loob, wala ni isang sulo ang nakasindi, madilim at maalikabok. Tuloy, nagmistulang pabalat bunga lang ang sumbong ko.

“Hatsing,” isa-isang naghatsingan ang mga nandoon para mag-imbistiga.

Pero nandoon pa ang altar at doon nila nakita ang bungo at kalansay ng isang maliit na tao.

Pina-eksamen ito sa isang forensic expert at natino na buto ito na isang batang babaeng may labing-13 hanggang labin-15 taon ang edad nang pinaslang at ang kalansay ay may limang taon ng nabubulok. Hindi naman makita ang may-ari ng bahay dahil ito’y nangibayong dagat at doon na nabawian ng buhay.

Pagpapatuloy ng Sagradong Kalawakan ni Lorelie… ika-5 na pahina

Ang bangkay ay nakilala sa tulong na rin ng dental records nito bilang si

“Luna Medel. Siya ay iniulat ng kanyang mga magulang na nawawala limang taon ng nakalilipas,” sabi ng hepe ng pulisya.

In

Sa gabi ng mahanap ang kanyang kalansay ay siyang gabing anibersaryo kung kailan siya pinagtataga para ialay, may limang taon na ang nakalilipas. Nakakapangilabot.

Dumating ang mga magulang ni Luna. Umiiyak pero nagpasalamat na nakita din sa wakas ang bangkay ng kanilang anak.

“Sino ang nagturo sa iyo sa lugal na iyon, hija?” tanong ng ina.

“Isang Luna po na ka-edad ng iyong anak” sagot ko.

“Maaari mo bang ilarawan siya sa amin?” tanong ng ama.

Nabigla ako dahil matapos kong mailarawan ang bata ay sabay sabi ng mag-asawa na “Ang iyong tinutukoy ay siyang namatay naming anak.”

“Si Luna pala ang natawag ko ng buksan ko ang aking sagradong kalawakan at ng hindi ko ito nasara kaagad” naisip ko, “Paano na lang kung masamang espiritu ang natawag kagaya ng napanood ko sa pelikulang Ouija? Mabuti na lang at natulungan ko rin ang mag-asawang mahanap ang bangkay ng kanilang anak sa pamamagitan mismo ng kanilang yumaong anak”

“Uulit ka pa bang magbukas ng iyong sagradong kalawakan matapos nito?” tanong ni Niña.

“Hindi ko alam. Naguguluhan ako,” sagot ko.


©  2008.  Unauthorized use and/or duplication of this material without express and written permission from this blog’s author and/or owner is strictly prohibited. Excerpts and links may be used, provided that full and clear credit is given to Lorelie Libetario and onlyme6000.wordpress.com with appropriate and specific direction to the original content.

1 Comment »

  1. wow ang ganda naks naman gaawaan ny me

    Comment by lynn — September 17, 2008 @ 10:29 am


RSS feed for comments on this post. TrackBack URI

Leave a comment

Blog at WordPress.com.